Luke 16: 1-8
“...Pinuri ng panginoon ang mandarayang katiwala dahil sa katalinuhang ipinamalas nito. Sapagkat ang mga makasanlibutan ay mas mahusay gumawa ng paraan kaysa mga maka-Diyos.”
May isang Hapon na nakakaalam ng “Yamashita Treasure,” ang pumuntang Maynila upang ito ay makuha. Sa kasamaang palad, may mga masasamang loob ang nakatunton sa kanya at pinagbantaan siyang papatayin kung hindi niya sasabihin kung nasaan ang kayamanan. Dahil hindi naman sila marunong mag Niponggo, kumuha sila ng tagapag-salin o interpreter na Pinoy.
“Sabihin mo sa Hapong iyan, kapag hindi niya sinabi sa amin kung saan nakatago ang Yamashita treasure, papatayin namin siya!” sabi ng mga lalaki. At ito rin naman ang sinabi ng interpreter sa Hapon sa salitang Niponggo.
Sa salitang Niponggo, nagsumamo ang Hapon na huwag siyang patayin. Sasabihin na niya kung nasaan ang kayamanan. Sa salitang Hapon, sinabi niya na ang kayamanan ay nasa likod ng simbahan ng Malate sa Maynila, limang hakbang mula sa pinto ng Sacristy. Anim na talampakan ang huhukayin upang ito’y makuha.
Ang sabi naman ng Pinoy na interpreter sa mga lalaki, “Pinasasabi po ng Hapong ito na matapang siya. Handa raw siyang mamatay!”
Kung pera ang pinag-uusapan, maaari tayong maging tuso. Bakit kaya sa mga bagay na ukol sa ating kaligtasan, tila hindi tayo tuso?
Hindi naman itinataas ni Hesus ang sinungaling na katiwala sa ating nabasa sa Lukas 16, kung hindi sa kanyang pagiging tuso. Hindi Niya sinasabing maging sinungaling tayo. Naghahanap Siya ng lubos na katusuhan o galing upang tayo’y makapunta sa Langit.
(Isinalin mula kay Fr. Bobby Titco)
Pagnilayan:
Sa anong paraan natin magagamit ang ating talino upang makarating sa Langit?

No comments:
Post a Comment